Tuesday, February 26, 2008

Paalam at Patawad

Unti-unting pinapak ang mga linya ng makata;
Inihanda sa isang madilim na kusina
At pinangpulutan ng mga tambay na matagal nang pinagtatalunan ang wika:
Kung ang ‘Yosi’ ba, o ang ‘Sigarilyo’ ang tama.

Unti-unti na nilang kinain ang makata;
Sinimulan sa kaniyang mga daliri,
Nginata-ngata,
Sinipsip ang katas ng kaniyang laman,
At sinimot hanggang buto.

Agad nilang isinunod ang ulo;
Ini-straw ang sabaw ng katotohanan sa kaniyang utak,
At ninamnam ang makunat nitong komposisyon.

At ang mga natira ay ipinaubaya na sa mga aso
At mga alagang buwaya,
At ang mga buto, sa mga mambabatsoy.

Naubos na ang liriko.

Naglaho na ang makata.

Kaya Paalam at Patawad, masugid na mambabasa ng aking mga gawa,
Kailangan ko na kasing sumunod sa mga nauna,
Takam na kasi sila sa Paksiw.

Kinakailangan nila akong kainin,
At ilublob sa nayon ng kanilang gutom,
Upang sila naman ang mabuhay ng mariwasa at sagana.

No comments: